At nagsimula na nga ang pakikipagsapalaran ko sa big city. Sa unang araw ko sa corporate world, pina-report ako sa HR for a briefing at pinapirma ng kontrata. After nun, diretso na ako sa 16th Floor, sa magiging office ko -- ang Corporate Communications Department.
Isang napakalaking karangalan ang mapabilang sa departamentong ito. Under the Office of the President, ang Corp Comm o ang PR arm ng Network in layman's jargon, ay responsable sa pag-maintain ng magandang image ng kumpanya. Pinapangalagaan nito ang pangalan ng kumpanya sa kanyang internal at external publics. Ito ang department na unang nakakaalam ng mga decision ng management, at gumagawa ng crisis management plans kung sakaling may lumutang na problema. Anak kami ng hari, ang sabi pa ng kuya ko. Kami ang elite squad na palaging nasa forefront ng pag-alaga at pag-depensa sa kumpanya. At confidential employee pa pala ako. Ibig sabihin, may naghihintay na magandang career path sa akin as long as maibigay ko ang best ko sa kumpanya.
Naging maayos ang first day ko dahil na-orient ako ng maayos ng ka-unit ko. Maliwanag naman sa akin ang mga responsibilidad na nasa aking mga kamay. May anim na buwan pa akong bubunuin bago ko tuluyang maangkin na isa na akong ganap na empleyado ng kumpanya.
Sa loob ng anim na buwan na ito, required akong magtrabaho ng 48 hours sa isang linggo. Ibig sabihin, kailangan kong pumasok ng 8am-7pm ng Lunes hanggang Hwebes, at 8am-5pm naman tuwing Biyernes. Wala akong overtime pay. Pasok na kasi ang overtime pay sa basic salary ko, mag overtime man ako o hindi. Cool naman.
Masaya naman ang trabaho ko, kahit minsan may mga moments na ngarag ka sa deadlines at deliverables for the week. Sa ngayon, hanggang pagsusulat lang muna ako ng press releases, at pag-aassist sa mga press conferences ng mga bagong programa at kung ano pang mga corporate events kasama ang mga press. Lately din, naging suki na rin akong host sa mga press conferences. Thankful naman ako at masaya sila sa pinag-gagawa ko hawak ang mikropono. May isang co-worker pa nga ako na nagsabing natutuwa daw sila sa mga punchlines ko. Flattered naman ako.
Masaya ang buhay sa Corp Comm. Masaya para sa akin dahil masayahin akong tao. May trainee nga kami dati who remarked, "Sir JP, talaga bang happy person ka? Palagi ka kasing happy tuwing nakikita kita."
Oo, happy person ako kahit pa stressed o problemado ako. Ayoko kasing pinoproblema ang problema. Alam ko na kailangan lang palawakin ang isipan kasi lahat naman ng problema ay nahahanapan ng solusyon, nagagawan ng paraan. Pero hindi sa lahat ng panahon ay happy ako. Kagaya na lang tuwing umaga kung nagko-commute ako for work.
Nakikitira pa ako ngayon sa kuya ko sa Cavite, mga isang oras din ang bus ride ko galing sa sakayan papuntang Baclaran. Kasama na dito ang oras na nasasayang sa nakakalbong problema sa trapik. Madalas tayuan pa at siksikan sa loob ng bus. Wala ka nang choice. Nakakaupo din ako minsan. At talagang ini-enjoy ko ang rare moments na ito dahil nakakatulog pa ako ng kahit 30 minutes lang.
Pagdating ng Baclaran, sasakay ako ng jeep papuntang EDSA-MRT Station. Pipila hanggang makasakay ng train. Madalas tayuan at siksikan din dito. At sa mga panahong nakakaupo ako, umiidlip pa ako ng kahit 20 minutes lang. Buti na lang nagigising naman ako at nakakababa sa station ko.
Ok sa akin ang tayuan. Ok sa akin ang siksikan. Ayaw ko lang ng mga kakalokang scenario, lalo na sa loob nga train.
I make it a conscious effort to be clean and fresh everyday. Kagaya ng karamihan, may mga ritwal ako sa banyo tuwing umaga. Basta pag-step out ko ng banyo, feeling ko ang linis-linis at ang bangu-bango ko. Pati na sa damit at sapatos ko. Spick and span. I spray on my scent for the day -- choices include Fahrenheit, Cool Water, Clinique Happy for Men or Drakkar Noir. Kaya with much conviction kong masasabi na nag-eeffort talaga ako to make myself clean and fresh.
Malinis ka na. Mabango. Pero pagsakay mo ng train, anaknampu naman. Maiinis ka kasi ang ang baho ng ibang pasahero. Yung ang aga-aga pa lang ng mundo, hulas na at umaalingasaw pa. Yung tipong you can smell poverty around you. Meron pang amoy sigarilyo. Ano ba naman yan? Ganito pala ang katotohanan sa big city na kailangan kong tanggapin. Sige, kaya mong tiisin ang baho kasi nandun na yan, eh. Pero may mga instances pa na sa sobrang siksikan sa loob, yung iba nakikiskis pa ang mga pawisan at malalagkit na balat nila sa 'yo. Eh maselan pa naman ako sa mga ganyan. Nai-imagine ko kung anong germs at mikrobyo ang tinransfer nya sa balat ko. Pasensya na, pero hindi ko na ma-take ito. Nag-aalcohol talaga ako right there and then.
Nightmare, di ba? Pero may mas matindi pa akong na-experience sa train. Pauwi from work, pagod na. Nakaupo naman, awa ng langit. Yung lalaking katabi ko, may MP3. Earphones on, at nakikikanta. Biglang lumingon sa direction ko. Oh my, nalanghap ko ang baho ng hininga. Anaknampu! Sorry, naglabas ako ng mint and offered it to him.
Maliban sa mga mabaho at malalagkit na experiences ko sa train, meron ding mga encounters with the ill-bred. Cardinal rule na kahit saan ka man mapunta na pababain muna ang mga pasahero bago sumakay. Sa inauguration speech nga ni PNoy, ayaw nya ng counter-flow. May mga ganun sa train. Yung palabas pa lang ang ibang pasahero, sumisiksik na sila. May nangyari kasi na sa sobrang dami nila, naitulak ako pabalik sa loob ng train. Foul na sa akin yun. Kaya kesihodang mga babae pa sila, pinagbabangga ko sila hanggang makalabas ako. Walang personalan, observe lang natin ang tama.
Minsan nga kung nagmumuni-muni ako during the train ride, naiisip ko na riding the train is akin to living. May mga panahong maayos at matiwasay ang byahe, may mga panahon namang kailangan mong makipagsiksikan at sumunod sa daloy ng buhay. May mga panahong mabango at malinis ang paligid, may mga panahon namang maaamoy mo ang bulok na sistema ng lipunan. May mga panahong nasusunod ng tama ang mga batas, may mga panahon namang binabalewala ito ng karamihan.
But at the end of the day, ako pa rin ang may responsibilidad at pananagutan sa buhay ko. Ang importante ay makasakay ako sa train ride na 'yan at makarating sa aking paroroonan. Dahil mas marami pa akong kailangang pagtuunan ng pansin, kagaya ng pagsukli ko sa tiwala sa akin ng kumpanya, at ang pagsasaayos ko sa sarili kong buhay.
No comments:
Post a Comment